Nagugutom ako.
Pero hindi pwedeng kumain, kasi wala na akong pamasahe pauwi. Pagdating sa bahay, magluluto ng noodles at lalahukan ng kanin. Solb na bago matulog. Tutal gabi naman.
Hindi ako patulugin ng pangangalam ng sikmura. Pero tinitiis ko, dahil wala naman akong ibang magagawa. Wala na sa bokabularyo ko ang busog, basta malamanan lang ang tiyan, ayos na.
Ibang usapin ang almusal. Dahil nasanay ako sa probinsya na tatlong beses kumakain ng kanin sa isang araw, nakukulangan ako sa ilang piraso ng pandesal na kasya sa perang hawak ko ngayon. Madalas, kapag umaakyat sa mga overpass o sa mga hagdan sa mga istasyon ng LRT, nararamdaman ko ang panlalambot ng tuhod ko dahil sa gutom.
Pag oras ng pananghalian, tumatalilis ako sa mga kaopisina kong naglalabas na ng kani-kanilang mga baon at ang iba'y kanya-kanyang tawag sa telepono para magpadeliver ng pagkain. Sasaglit ako sa kantina at iinom ng tubig para pawiin ang gutom na nadarama. Pag may nakakita sa akin, sasabihin kong tapos na akong kumain o di kaya'y nagda-diet ako. Dahil medyo malusog akong tingnan, hindi na sila magtatanong pa.
Bakit nga ba ako nagtitiis na magutom? Dahil iyun lang ang pwede kong isakripisyo na hindi makakaapekto sa ibang tao. Hindi ko pwedeng tipirin ang pamasahe dahil talagang malayo ang tinitirhan ko sa pinapasukan ko. Kawawa naman ang mga kababayan nating drayber kung hindi ako magbabayad ng tamang pasahe. Kawawa din naman ang mga tindera kung hindi ako magbabayad ng tama sa mga binili ko. Alam kong may mga pamilya sila, ako naman ay wala pa...buti na lang.
Pero maski papaano, ipinagpapasalamat ko pa rin ang pagiging likas na maalalahanin ng mga kababayan natin, lalo na ang mga nakababatid sa kalagayang pampinansya ko. Bagamat paminsan-minsan lang naman, may naglilibre sa akin sa pagkain kahit hindi ko hinihingi. Hindi naman sila mayayaman, mga katulad ko ring karaniwang empleyada pero relatibong maluwag sa pamumuhay dahil may ibang nakakatulong sa mga gastusin. Alangan namang humingi pa ako ng pera sa pamilya ko sa probinsya e kaya nga ako nagtatrabaho d2 ay para me maitulong sa kanila.
Anu't-anuman, wala akong sinisisi sa mga dinaranas kong ito. Maliban siguro sa mga nasa kapangyarihan. Lagi kasi nilang sinasabi na magsikap ka lang ay giginhawa na ang buhay mo. Pero ang mga nagsasabi naman nito ay prenteng nakaupo lamang sa kanilang mga mansyon at opisina habang nagbubulsa ng milyun-milyon at nagwawaldas din ng milyun-milyon. Ayokong tanggapin na talagang may mga taong nakahiga sa pera habang ang ibang tao ay lumalangoy sa kahirapan. Hindi ako naniniwala sa kapalaran at tadhana dahil nakikita ko ang mga kabalintunaan sa lipunan natin. Naghihirap ang mga nagkakandakuba sa pagtatrabaho samantalang nagpapasasa ang mga walang ginagawa, kahit saang anggulo ko tingnan, hindi ko kayang lunukin ang ganitong kalagayan.
Kaya mas maigi pang lunukin ko na lang ang laway ko sa tuwing napapadaan ako sa mga mamahaling restorang itinayo ng mga manggagawa subalit hindi naman nila nakakainan. Di bale nang magpakalunod ako sa tubig habang tinatanaw ang mapuputing kaning itinanim ng mga magsasaka pero hindi bumusog sa kanilang mga sikmura.
Mas mamabutihin ko pang mangalam ang sikmura kaysa kunin ang mga bagay na hindi ko nararapat angkinin. Hindi sa pagmamalinis pero hindi kaya nakukunsensya ang mga 'public servant' natin na sila ay namumuhay nang maalwan habang ang sinasabi nilang 'pinaglilingkuran' nila ay namumuhay sa bingit ng kawalan?
Mas madaling tiisin ang kirot ng sikmura kaysa sa panunumbat ng budhi. Sa pagbabalik ko sa probinsya, tutugunan ko kapwa ang pangangalam ng aking tiyan at pagsilakbo ng aking kalooban.
* bisin - gutom

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento