Hindi ako nahihiyang aminin na isa akong promd. Napadpad lang ako dito sa Maynila dahil sa isang kontratang pikit-mata kong tinanggap dahil kasama sa trabaho. Pero hindi naman panghabambuhay ang kontratang iyon kaya araw-araw ay binibilang ko ang mga nalalabing sandali ng pananatili ko d2 sa aspaltadong kagubatan.
Maraming nangyayari sa buhay natin na hindi natin ginusto pero kailangan nating angkupan. Sa bahagi ko, ayoko na sanang iwan ang lugar na nakasanayan ko pero dahil mahal ko ang aking trabaho, tinanggap ko ang hamon ng paglabas sa aking tahimik na mundo. Dahil naniniwala din akong marami akong matututunan sa paglalakbay na ito.
Siempre, gulat na gulat ako sa dinatnan ko dito sa Maynila. Iba kasi ito sa Maynilang isinasalarawan ng mga libro, ng mga diyaryong pinalad na makarating sa bayan namin at sa isang maletang kuwentong bitbit ng mga kababayan sa miminsang mga pagdalaw nila sa aming hamak na lugar. Akala ko noon, puro hangin ang mga kwentong iyon, ngayon ko natuklasang mali ako.
Pagdating ko pa lang sa Maynila, naligaw na ako sa sanga-sangang mga lansangan at iskinitang nakakabit sa pusod ng Kamaynilaan. Pero suwerte pa rin ako na laging mga tamang tao ang napagtatanungan ko. Mga laman ng lansangan ang karamihan, kapwa ko pasahero, driver, kundoktor, barker, tindera...sa kanila lang kasi malakas ang loob kong magtanong dahil alam kong hindi nila ako iisnabin o titingnan nang pakutya. May phobia na ako sa mga magaganda ang bihis at humahalimuyak sa bangong mga nilalang, kadalasan kasi sila iyung may pinakamabahong pag-uugali at pinakamatatalim na dila. Hindi ko naman nilalahat, pero dahil sa mga di magandang karanasan ko sa mga taong ito, mas kumportable akong makisalamuha sa mga tingin ko'y nakakaunawa sa mga tulad ko. Nakikita ko kasi ang sarili ko sa kanila. Nagsisikap na mabuhay sa kapaligirang hindi naging mabait sa kanila.
Pero ingat pa rin, marami daw manloloko dito sa Maynila kaya wag ring pakatiwala. Hindi ko gusto ang pakiramdam na hindi ako nagtitiwala sa kapwa ko. Siguro kasi'y lumaki ako sa bayang hindi uso ang mga bakod, grills sa bintana at kandado (maliban sa mga kamalig). Nakakapanibago pero kailangan kong umangkop sa kalakaran dito. At kapag inililibot ko ang paningin ko sa mga lansangan, hindi na ako nagtataka kung bakit nasisikmura nilang gawin ang mga bagay na ito.
Mahirap lang ang bayan namin, magsasaka ang karamihan. Maliliit pa lang ay hinubog na kami sa pagtatrabaho para may makain. Pero dito, kahit magtrabaho ka maghapon, kulang pa rin para sa mga pangangailangan mo. Dahil lahat dito ay binibili. Madalas ay natutukso akong maglakad na lamang sa ilalim ng init ng araw para makatipid sa pamasahe, pero hindi rin kasi ako makatagal sa kapal ng usok at sa sobrang init. Daig pa ang pakiramdam pag maghapong naggapas ng palay sa ilaim ng nagngangalit na init ng araw.
Akala ko noon, grabe na ang hirap ng buhay sa amin pero napahiya ako nung makita ko ang kalagayan ng mga tao dito sa Maynila. Sa dami ng naglalakihang mga gusali at naggagandahang mga kotse, marami rin ang nakatira sa lansangan. Sa maraming taong nagdudumali sa araw-araw, may mga taong tila wala nang pakialam sa paglipas ng oras. Kasi wala naman silang hinahabol na trabaho, masyado itong mabilis tumakbo, kahit mga kabataang bagong gradweyt hirap makaabot sa trabahong madalang pa sa patak ng ulan sa Marso.
Sabi ng titser ko noong elementary, mga tamad lang daw ang naghihirap. Gusto kong isama ang titser ko ngayon dito kasi sasabihin kong mali ang turo niya. Katamaran ba ang maghapon kang nakabilad sa araw, naglalako ng kung anu-ano, namamaos ang boses sa kasisigaw, kinakalyo ang pwet sa pag-upo sa harap ng manibela? Pero bakit naghihirap pa rin sila gayong sila itong napapagod nang husto sa maghapon? Pagbalik ko sa amin, hahanapin ko ang titser kong iyon kahit retired na siya. Ako naman ang may ituturo sa kanya.
May natutunan rin naman ako sa ilang panahong pamamalagi ko rito sa Maynila. Na ang kahirapan ay makakasalubong mo kahit saan. Sa mata ng mga magsasakang inagawan ng lupa para gawing subdivision ng iilan, sa lipaking mga palad ng mga construction worker na nakakasabay ko sa sasakyan, sa malalaking tiyan ng mga batang lansangan, sa pawisang noo ng mga tindera sa kalye, kahit sa larawan ng isang tulog na call center agent sa isang sulok ng air-conditioned na kainan. Iba-iba lang ang itsura pero sa araw-araw, mararamdaman mo, malalanghap at maririnig ang matinding kahirapan. Naiinis na lang ako sa sarili ko kung minsan kasi, wala naman akong magawa para sa kanila. Pare-pareho lang kasi kaming kayod-kabayo para mabuhay sa araw-araw.
Totoong gusto ko nang bumalik sa amin pero hindi para takasan ang larawang nakamulagat sa akin dito sa Maynila. Kundi para harapin ang kahirapang akala ko'y kaya kong takasan noong iwan ko ang aming bayan. Wala na palang libre sa mundong ito, lahat ay kailangan mong paglaanan ng kakayahan, kaalaman at minsan pati buong katauhan. Pero lagi't-lagi pa ring may kulang, lagi pa ring hindi sapat.
Sabi sa akin ng isa kong kababata, kailangang panindigan mo ang anumang pinaniniwalaan mo. Sabi ko naman, e kung patayin ka? Ang sagot niya, lahat naman tayo mamamatay, usapin na lang kung anong pinaggagawa mo habang buhay ka. Ayoko ng ganoon, gusto ko makitang masaya at maginhawa ang lahat ng mga kakilala ko kaya tutulong ako sa lahat ng paraang alam ko. Pero sa dami ng naghihirap, hindi naman yata tamang mamili kung sino ang dapat tulungan. Hindi ko na maikukuwento ang mga ito sa kababata ko, hanggang ngayon kasi nawawala pa raw siya, dinukot ng mga armado noong nakaraang taon. Ayokong isiping baka patay na siya, hindi ko pa kayang tanggapin ang ganoong reyalidad. Pero kung ganoon man, alam kong namatay siyang kuntento sa mga pinaggagawa niya noong buhay pa siya.
Samantalang ako, eto...nagpapaalipin sa mga kumpanyang siya ring nang-agaw ng lupa ng mga kababayan ko at bumutas sa mga kabundukang malapit sa amin para maghanap ng ginto. Pakiramdam ko pinagtataksilan ko ang mga kababayan ko, pati na ang mga taong-kalyeng maaaring tulad ko ring nagtangkang takasan ang kahirapan sa probinsya. Pero wala akong magawa, ang kontrata ay kontrata, nakataya na ang pangalan ko dito.
Pero hindi pa naman huli ang lahat. Hindi naman panghabambuhay ang kontratang pinirmahan ko. Bawat araw na lumipas ay nalalapit ang pagbalik ko sa aming bayan at babalik ako doon nang baon-baon ang mga aral na natutunan ko sa pakikipagsapalaran ko dito sa Maynila. Ngayon alam ko na ang gagawin ko sa aking pagbabalik.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento