Dumating ka sa panahong
Nais ko ng karamay
Naghahanap ng kanlungan
sa nakapapasong init ng lansangan
Matagal na akong pinapaasa
ng makulimlim mong mukha
May pagbabanta ng pagluha
Pero nakakayanan mo pa ring magtimpi
Tiniis mo lahat ng kasuklamang nakikita
Nagbingi-bingihan sa mga daing at panaghoy
Nanahimik sa mga kabalbalang nadarama
Subalit may hangganan ang lahat ng pagtitimpi
Nag-umpisa kang lumuha
Patak-patak
Paisa-isa
Subalit ang kinimkim na hinanakit ay di na maipipiit sa mga ulap.
Humagulgol ka
Bumubuhos,
nag-uumapaw
ang hinagpis sa iyong dibdib
Umiyak ka
para sa mga hubad na batang naliligo sa lansangan
para sa mga palaboy na naghahanap ng masusulingan
para sa mga pagal na katawang nagtatrabaho sa alikabok ng kalunsuran
para sa mga kalyuhing palad na nagpapala sa kabukiran
para sa mga ilog at batis na nilamon na ng karalitaan
para sa lupang nilason na ng kasakiman
para sa bayang nilalapastangan ng iilan
Unawa ko kung bakit ka lumuha
at kahit sandali
naramdaman ko ang aking paglaya
mula sa pananakal
ng maruming hangin sa Maynila
Sa halik ng ulan
natagpuan ko
ang dalisay ng pagsuyo
ng binusabos na kalikasan.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento