Sabado, Abril 18, 2009

Exodus

"Wala na siya..."

Alam niyo ba ang pakiramdam ng pinagsakluban ng langit at lupa? Hindi ko akalaing mararamdaman ko ang gayon nang sinabi nila sa akin na wala na ang asawa ko, patay na at kinuha ng mga demonyong pumatay sa kanya.

"Bakit siya pa?"

"Hindi ko alam..." umiwas ng tingin sa akin si Genio, parang di niya ako kayang tingnan sa ganoong kalagayan.

"Gusto ko siyang makita."

"Kinuha nila siya...oo, gagawa tayo ng paraan pero unang-una kailangang umalis tayo rito."

Gulong-gulo ang isip ko, ni wala akong lakas na tumayo mula sa pagkakasalampak ko sa putikang lupa. Hindi ako tanga para isiping mapagbibigyan nila ang kahilingan ko. Masyadong mapanganib para sa akin at sa mga kasamahan namin na makita kami ng mga taong pumatay sa asawa ko. Siguradong andun sila, naglipana sa kanyang burol na parang mga bwitreng nag-aabang ng masisila. Pero gusto ko lang sabihin ang gusto kong mangyari, dahil iyun lang naman ang kaya kong gawin.

"Magligpit ka na, lalakad tayo bago dumilim, mahirap na baka nasa paligid lang sila..."

Ayokong umalis sa kinalalagyan ko, sa bahay na naging saksi sa maiksi naming pagsasama ni Aryong pero kailangan kong isipin ang mga kababaryo ko, hindi nila ako pwedeng iwan dito pero hindi rin sila pwedeng manatili. Mapanganib para sa aming lahat ang manatili sa lugar na nagdala ng kapahamakan sa asawa ko at sa di na mabilang pang mga kababaryo at kakilala.

"Magpakatatag ka..."

Tumulo ang luha ko, ganyan ang laging sinasabi ni Aryong nung nabubuhay pa siya. Alam niyang mahina ang loob ko, iyakin at masyado akong nakasandig sa kanyang katatagan. Pero sa panahong ito ng matinding pangangailangan, sino ang masasandigan ko?

Inakay ako ng mga kababaihan sa baryo, bakas sa mukha nila ang magkahalong galit, takot at pakikiramay. Napag-isip-isip kong kailangan na akong kumilos, hindi man para sa akin, para sa mga kababaryo kong alam kong hindi ako magagawang iwan sa ganitong kalagayan. Inayos ko ang iilang gamit namin ni Aryong, isinilid sa isang gula-gulanit na bag at tahimik na lumakad palayo sa aming munting dampa. Walang patid ang tulo ng aking luha.

"Huwag ka nang umiyak..."

Boses ni Aryong, napabalikwas ako ng bangon mula sa gula-gulanit na banig na pinagsasaluhan namin ng ilan pang mga dalaga sa baryo. Pero napakadilim, wala akong makita. Kahit ang buwan ay nagkait ng kanyang liwanag sa gabing ito.

"Nasaan ka? Bakit hindi kita makita?"

"Wag mo na akong hanapin...di mo na ako pwedeng makita"

Muli akong napahagulgol, sa likod ng isip ko gusto kong maniwalang isa lamang bangungot ang balitang ipinaabot ni Tata Genio sa akin kanina. Pero sa kabila ng karimlan, nagdudumilat ang katotohanang wala na ang asawa ko at hindi ko na muling makikita kahit ang nilapastangan niyang bangkay.

Muli akong humiga sa maalikabok na banig, himbing na himbing ang mga dalaga sa tabi ko, marahil ay napagod sa mahaba naming paglalakbay. Pero hindi pa kami lubusang makakapagpahinga, hindi kami nakasisiguro sa aming kinalalagyan. Kailangan pa naming lumakad nang malayo patawid sa kabilang baryo. Pinakamabigat ang paa kong lumakad, pakiramdam ko ay iniwan ko ang kalahati ng aking buhay sa aming ulilang kubo. Ipinikit ko nang mariin ang aking mugtong mga mata, kelangan kong mag-ipon ng lakas para bukas.

"Lilay..."

Muli, ang boses ni Aryong. Isinubsob ko ang aking mukha sa lumang damit niya na ginawa kong unan. Nalanghap ko siya sa telang tigmak na ng aking luha. Binalot ako ng kanyang pamilyar na init.

"Nilalamig ka ba, Lilay?"

Hindi ako sumagot. Naramdaman ko na lang ang kumportableng init na alam kong nagmumula sa kanyang katawan, niyakap niya ako mula sa likod. Nakagat ko ang aking labi.

"Ako na lang ang yayakap sa iyo, Lilay. Hindi mo na ako pwedeng yakapin."

"Bakit mo ako iniwan?"

"Hindi kita iniwan, Lilay. Kahit kailan hindi kita iiwan. Mahal na mahal kita."

Tuluyan nang tumulo ang mga luhang kinukuyom ko sa likod ng aking mga mata. Hindi ko na namalayang nahulog ako sa isang mababaw na pagkakahimbing.

Nag-uumpisa nang sumilip ang araw nang imulat ko ang aking nanghahapding mga mata. Ako na lang pala ang naiiwan sa maalikabok na banig. Karamihan sa mga kababaryo ko ay nagliligpit ng gamit, ang iba ay nagluluto at ang iba naman ay nakatingin lang sa malayo.

Pinilit kong bumangon bagamat ayaw ko pa sanang iwan ang init ng alaala ni Aryong sa aking panaginip. Pero alam kong kelangang magmadali. Sa oras na ito, malamang ay natuklasan na ng mga sundalo ang paglikas namin sa baryo. At iyun ang kinatatakutan naming lahat.

Nagligpit ako ng gamit, ni hindi ko na inayos ang gusot-gusot kong buhok. Umiling ako ng alukin ako ng malabnaw na lugaw ng isang dalagang kasiping ko kagabi sa banig.

"Manang, kelangan mong kumain."

"Hindi ako nagugutom."

"Malayo pa ang lalakarin natin..."

Bigla akong napahiya, heto ang isang dalagang bago pa lang sumisibol pero siya pa ang nag-aalaga sa akin na dapat sana'y siyang umaalalay sa kanyang paglaki. Matipid akong ngumit at kinuha sa kanya ang tasa ng umuusok na lugaw.

"Salamat."

"Tingnan niyo!"

Biglang nagkagulo ang buong paligid, lahat ay nakatingin sa dakong aming pinagmulan. Nakaturo sa langit nang may takot, galit at panghihinayang sa kanilang mga mukha. Nang lumingon ako ay nakita ko ang makapal na usok na umaalimbukay pataas ng langit. Nagsikip ang aking dibdib. Narinig kong nag-iiyakan ang ilan kong kababaryo.

"Tama na, wala na tayong magagawa."

Biglang sumulpot sa tabi ko si Tata Genio, bakas ang pagod at puyat sa hapis niyang mukha. Tulad ko'y namumugto rin ang kanyang mga mata, itinuring na niyang parang anak si Aryong.

"Ano nang mangyayari sa atin?"

"Kelangan nating makarating sa kabilang baryo, dun na natin pag-isipan ang gagawin natin."

Nagtiim ang aking bagang. Para kaming mga dagang walang masulingan. Hindi tiyak sa pupuntahan pero wala nang babalikan.

Ilang araw na paglalakad din ang binuno namin, halos naubos na ang baon naming mga pagkain. Nadudurog ang puso kong tingnan ang mga nanlilimahid at gutom na mga bata, mga matatandang hapis na ang mukha at mga kabataang may tiim sa bagang habang tahimik na lumalakad. Muli, naisip ko si Aryong.

Kung buhay siya, siguro'y isa siya sa nagpapagaan ng aming paglalakbay. Tahimik pero palabiro, madaling nakuha ni Aryong ang loob ng aming mga kababaryo simula nang bumalik siya dito matapos ang matagal na panahong paninirahan sa Maynila. Hindi na raw niya kaya ang hirap ng buhay doon, grabeng trabaho pero hindi makatao ang kundisyon sa pabrika at kakarampot ang sweldo. Ang alam ko pa nga, katatapos lang ng welga nila nang bumalik siya. Naipanalo kasi nila ang kanuilang laban at malaki-laki din ang ibinayad sa kanila ng maneydsment. Iyun ang ginamit niyang pamasahe pabalik at para pagsimulan din ng maliit na negosyo.

Dito na rin kami nagkakilala. Bagamat magkababaryo kami, lumaki ako sa Maynila at nakapagtapos ng pag-aaral. Pero dahil sa hirap humanap ng trabaho, ipinasya kong umuwi na lamang sa probinsya upang makatulong sa mga magulang ko sa maliit naming palayan. Sa pagbabantay ko ng palay mula sa mga matatakaw na maya, duon ko madalas na makatanawan si Aryong na nagtatrabaho sa bukid nila na kanugnog lang ng aming palayan. Hindi siya nag-iisa, lagi silang maraming nagtutulungan sa kung anumang trabaho. Sa oras ng pagkain, matatanaw ko silang nagpapahinga sa lilim ng munting kubo habang masayang nagkukuwentuhan. Hindi ko akalaing ang pinagkukuwentuhan pala nila ang magiging panganib sa buhay ni Aryong sa kalaunan. (may karugtong)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento