"Paano na tayo?"
"Ewan ko..."
Hindi na ako nagsalita, dumating na ang kinatatakutan ko.
Ramdam ko na noon pa na kulang ang pagtingin mo para sa akin. Meron man, hindi sapat para pumasok sa isang seryosong relasyon. Sinasabi mo na rin naman na hindi ka pa handa, pero nagbingi-bingihan ako. Kasi sabi mo nga gusto mo ako.
Minsan iniisip ko, kung hindi kaya ako ang nanligaw sa iyo, ganito rin kaya ang magiging trato mo sa akin? Hindi na raw uso ang martir pero eto ako, nangungunyapit sa kapiranggot na pag-asang ipinantatakam mo sa akin.
Ginawa ko naman ang lahat para mahalin mo rin ako, pinagsilbihan kita, inunawa, dinamayan at kung anu-ano pa. Pero hindi ako naniningil, ginawa ko iyon nang kusa dahil mahal nga kita.
Siguro naive din ako kahit pa sabihing hindi na rin naman ako bata. Akala ko kasi ang sex at intimacy ay kakambal lagi ng pag-ibig. Never kasi akong nakipag-sex sa isang taong wala akong pagmamahal. Pero hindi pala ganoon dapat ang pagtingin.
Sa madaling sabi, paulit-ulit naming pinagsaluhan ang bawal na sandali kahit walang anumang matibay na komitment na nagbibigkis sa amin. Bawal dahil wala kaming pormal na unawaan, bawal iyon sa opisina. Mahigpit ang patakaran nila sa rela-relasyon sa pagitan ng mga magkakatrabaho.
At eto na nga, nalaman kong malilipat ka sa ibang branch. Wala naman sanang problema, pero gusto ko sana, bago ka lumayo ay may panghahawakan ako. Bagamat isinisigaw ng kalooban ko na ginamit mo lang ako, ayaw kong maniwala kaya nang makumpirma kong matutuloy na nga ang transfer mo, naglakas-loob na akong ungkatin kung ano na ba talaga ang meron tayo.
Gaya ng dati, iniiwasan mo ako. Ni ayaw mong madikit sa akin. Ganyan ka rin kahit sa mga panahong pinalalaya natin ang init ng ating mga katawan. Pagkatapos mong makaraos ay itutulak mo ako palayo at sasabihang bumalik na sa kwarto ko. Pakiramdam ko, isa akong puta. Pero sa isang lalaki lang at hindi pera ang hinihingi kong kabayaran. Sa iyo lang, kasi nga mahal kita.
Wala naman sanang problema, pareho naman kaming malaya. Pero hindi niya kayang ibigay sa akin ang hinihingi ko mula sa kanya. Masakit pero kailangan kong tanggapin, reyalidad ito ng ating mundo.
Nasaktan ako. Sobra. Para namang nakikiramay ang langit. Umulan nang sobrang lakas noong hapong iyon. Bagamat nanlalambot pa ang tuhod ko sa mga sinabi at hindi niya sinabi, sinikap kong makapasok sa kwarto, sinandalan ang pinto at sinabayan ang paghagulgol ng langit. Tiwala akong walang makakarinig dahil sobrang lakas ng patak ng ulan sa kisame ng aming boarding house.
Nakipagsabayan sa sungit ng panahon ang paghihirap ng aking kalooban. Wala akong mapagbuntunan ng aking galit. May kahinaan man siya, may kasalanan din ako. At iyun ang hindi ko matanggap. Na inihain ko ang katawan ko nang buong-buo sa isang taong wala ni katiting na pagpapahalaga sa akin bilang babae. Iniyakan ko nang husto ang aking pagkabigo at ang napipinto niyang pagkawala sa buhay ko.
Humupa na ang ulan pero hindi pa rin humuhupa ang poot sa aking dibdib. Gusto kong maghiganti, gusto ko siyang saktan. Pero nananaig ang bulag kong pagmamahal sa kanya.
Nakarinig ako ng sunod-sunod na katok sa pinto, tumigil na pala ang ulan, siguradong narinig ng mga kasambahay ko ang pagngangawa ko. Maya-maya nga ay bumukas na ang pinto, tatlong kasambahay kong lalaki ang dumungaw.
"Ayos ka lang ba?"
Pinahid ko ang aking luha. "Hindi..." maikli kong sagot.
Nagkatinginan ang tatlo. Mga kaopisina ko sila kaya humigit kumulang ay alam nila ang nangyayari sa pagitan namin ng lalaking dahilan ng pag-iyak ko ngayon. At bilang mga lalaki, hindi nila alam kung anong sasabihin.
"Sige, iwan ka na lang muna namin." marahang sumarang muli ang pinto at ikinulong ako sa aking hinagpis.
Sabi nila ay martir ako, pero hindi totoo iyun. May pangil din ako, lalo na pag inaagrabyado. Sinabi ko sa superior namin ang namagitan sa amin ng lalaking iyon. Ikinuwento ko lahat, lahat ng maseselang detalye. Ipinatawag siya ng superior namin. Tinanong kung totoo ang mga sinabi ko.
Nakita ko ang pagbalatay ng galit sa kanyang mukha. Alam naming mahigpit ang patakaran ng opisina sa usaping ito. Maaaring makaapekto sa kanyang transfer ang kasong ito. Maaari din akong mabigyan ng diciplinary action dahil sa di wastong kondukta pero wala na akong maramdamang hiya. Tutal ay nagkamali naman talaga ako, kelangang panindigan ko iyon. Pero hindi ako magdurusa nang mag-isa.
Marami akong testigo. Bagaman ako ang naunang nagpahayag ng pagkakagusto, alam ng mga kaopisina namin ang kaseryosohan ko kaya kahit ang mga kasamahan naming lalaki ay sa akin pumanig.
"Siya naman ang may gusto, siya ang lumapit."
"So, it's an excuse for you to take advantage of her? Kahit sabi mo nga'y wala kang feelings for her."
Nakagat ko ang aking labi, mas masakit marinig nang diretsahang wala nga siyang nararamdaman para sa akin. Sana noon pa niya ako dineretso, sana hindi niya na lang ako pinaasa. Pakiramdam ko ay isang punyal ang tumatarak sa aking dibdib sa bawat segundo ng hindi niya pag-imik sa tanong ng aming superior.
"I'm sorry, but we would have to postpone your transfer."
Hindi siya kumibo. Napayuko ako pero ramdam ko ang nagbabaga niyang paningin sa aking mukha. Dapat sana'y nakaramdam ako ng vindication sa naging desisyon ng superior namin pero wala akong makapa sa puso ko kundi sakit. Dahil alam kong galit siya sa akin. Pero hindi ko magawang magalit sa kanya. At iyun ang pinakamasakit sa lahat.
Lumipas ang isang taon, natuloy na rin ang transfer niya. Pero bagamat isang taong na-delay ang paghihiwalay namin ng opisina, pakiramdam ko ay higit pa sa isang daigdig ang pagitan namin sa loob ng maliit na opisinang iyun.
Inabutan ko siyang nagliligpit ng gamit. Dumiretso ako sa aking mesa. Ramdam ko ang pagsunod ng mata niya sa bawat kilos ko. Nag-init ang aking punong-tainga. Kay hirap kuskusin ng mantsa ng kasalanang ramdam kong nakakapit sa aming mga balat. Sa loob ng isang taon, para pa ring pumipintig ang katahimikan sa pagitan naming dalawa.
Ni minsan hindi siya nag-sorry. Hindi ko na rin naman inaasahan iyun, masyado siyang ma-pride para gawin iyun. Pero ayokong maghiwalay kami nang nakanganga ang sugat sa pagitan naming dalawa. Pinilit ko ang aking mga paa na humakbang palapit sa kanya.
Inilahad ko ang aking kamay. "Ingat ka." matipid kong sabi, tumatambol ang dibdib sa paghihintay sa kanyang magiging reaksyon.
"Salamat." Maikli niyang tugon pero hindi siya tumingin sa akin. Sandaling nagdaop ang aming mga palad, muli ang kakaibang koryenteng dumadaloy sa tuwing magdidikit ang aming mga balat.
"Gusto ko lang sabihing..." nakagat ko ang aking labi, may pagbabanta na naman ang mga luhang matagal kong kinuyom sa aking mga mata. Nag-angat siya ng paningin, nagtama ang aming mga mata. Parang may biglang bumara sa aking lalamunan."Sorry sa lahat ng pagkukulang ko." Tuluyan nang tumulo ang luha ko.
Kumislap ang gilid ng kanyang mga mata. Bahagyang kumibot ang kanyang labi. Alam kong nagpipigil din siya ng emosyon.
Kahit sumisinghot-singhot, nagpatuloy ako sa pagsasalita.
"Alam kong galit ka sa akin at alam kong hindi na nito malilinis ang record mo pero ayokong sa ganito na lang tayo magtapos."
Bigla ay naramdaman ko ang kanyang dibdib sa aking pisngi at ang bisig niya ay lumapat sa aking likod.
"Patawarin mo ako, mahal na mahal kasi kita..." naibulong ko sa kanyang dibdib, hindi ko alam kung narinig niya iyon pero humigpit ang pagkakayakap niya sa akin. "Pero pinalalaya na kita, at pinapatawad na rin kita sa lahat ng sakit na idinulot mo."
Hindi ko alam kung gaano katagal kami sa ganoong posisyon pero pakiramdam ko ay nabiyak ang aking puso at umagos mula rito ang lahat ng naipon kong galit at hinanakit sa kanya at sa sarili ko.
Nang maghiwalay ang aming mga katawan, hinawakan niya ako sa magkabilang balikat at tiningnan ang luhaan kong mga mata.
"Huwag kang maawa sa akin, hindi ko kailangan ng awa mo." pinahid ko ng likod ng aking palad ang luhang naglalandas sa aking kaliwang pisngi. "Ipangako mo lang na magtitino ka na, hindi mo na uulitin iyon sa iba."
Ngumiti lang siya. Isang maaliwalas na ngiti, hindi man siya nagsalita alam kong napatawad na namin ang aming mga sarili gaya ng pagpapatawad namin sa isa't-isa. Naramdaman ko ang yakap ng paglaya mula sa bilanggo ng pagkakamali.
*pamakawan - pagpapatawad

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento