Linggo, Abril 19, 2009

Exodus(continuation)

Magkasintahan na kami nang malaman ko kung ano ang madalas na pagkuwentuhan nina Aryong at ng iba pa naming kababaryo. Siyempre, natakot ako para sa kanya. Kasi naman, hindi lang iilan ang kaso ng mga pagdukot at pagpatay sa baryo namin. Galit ang mga militar sa mga taong malalakas ang loob magsalita. At wala naman kaming magagawa sa galit nilang iyon kundi manahimik at manginig sa takot sa bawat putok ng baril na mauulinig namin sa di kalayuan. Mula pagkabata, pinili kong magbulag-bulagan sa nangyayari sa aming baryo. May pangarap ako at pag naabot ko ang pangarap na iyon, aalis ako para takasan ang lagim na bumabalot sa aming baryo.

Pero hinamon ni Aryong ang pangarap kong iyon. Ayaw niyang umalis dito. Wala na raw kaming ibang pupuntahan dahil nandito ang kabuhayan namin. Mas mahirap daw ang buhay sa Maynila. Nagtatalo ang loob ko noon, kasi'y umalis na pa-Maynila ang buong pamilya ko. Nakapag-asawa kasi ang kapatid ko ng isang negosyante, nakilala niya nuong nag-aral siya sa Maynila. Siyempre, galit na galit ang Tatang sa akin.

"Pinag-aral pa kita sa Maynila, magsasaka rin pala ang bagsak mo!"

"Pero, Tatang...wala namang masama sa pagiging magsasaka."

"Walang asenso dito, Lilay! Tingnan mo nga sa haba ng panahong nawala ka dito, ganito pa rin kami nang datnan mo. Ayaw mo bang guminhawa?"

"Pero si Aryong po..."

"Mamili ka, kami o ang Aryong na iyan?"

Nakakahiya mang aminin pero pinili kong manatili sa probinsya para mamuhay kasama ni Aryong. Nanggaling na ako sa Maynila at mas gusto ko ang tahimik at simpleng pamumuhay sa probinsya. Sa una ay galit ang aking ama pero sa huli'y lumambot din ang puso niya maski papaano. Nung araw na paluwas na sila ng Maynila, niyakap niya ako nang mahigpit habang nagpupunas ng luha ang aking ina.

"Mag-iingat ka dito, anak. Huwag mong pababayaan ang sarili mo..." ang lumuluhang sabi ni Nanang.

"Huwag po kayong mag-alala, hindi ko po pababayaan si Lilay." si Aryong ang sumagot.

"Talaga! At mabalitaan ko lang na pinaiiyak mo ang anak ko..."banta ni Tatang.

Tumawa lang kami ni Aryong, wala sa hinagap naming mangyayari sa hinaharap ang kinatatakutan ng Tatang.

"Aryong, saan ka na naman galing?"

"Nagpulong lang kami para dun sa gagawing pagkilos para sa pagtutol sa pagpasok ng mina dito sa baryo." Masiglang-masigla pa si Aryong noon, walang bahid ng pagod sa pawisan niyang mukha.

"Ako'y kinakabahan sa mga pulong-pulong na iyan, Aryong. Masama na ang tingin sa iyo ng mga militar nung minsang nagsalita ka sa pulong ng barangay." hindi ko maiwasang mangilid ang luha sa matinding pag-aalalang nararamdaman ko nung oras na iyon.

"Ikaw naman itong masyadong matatakutin." Hinubad ni Aryong ang pawisan niyang tisyert. "walang mangyayari sa atin kung puro tayo takot. Kakainin ng buldoser lahat ng sakahan natin tapos palalayasin pa tayo dito sa baryo. Aba! E ano nang mangyayari sa atin niyan?"

"E kung, lumuwas na lang tayo ng Maynila?"

"Para ano? Para mapabilang sa mga naghihikahos doon? Ano ka ba, Lilay? Wala ka bang tiwala sa akin?" may himig na ng pagkainis ang boses ni Aryong habang pinupunasan ng malinis na tuwalya ang pawisan niyang mukha.

"Me...meron naman. Pero Aryong, ayokong may mangyari sa iyo...paano na ako pag nawala ka?"

"Kung anu-ano ang iniisip mo. Kakakasal lang natin, iniisip mo nang mawawala ako?"

"Basta, hindi ko kakayanin pag nawala ka." tuluyan nang pumatak ang mga luhang kanina ko pa kinukuyom sa aking dibdib.

Niyakap ako ni Aryong. Humagulgol ako sa mainit niyang dibdib. Naramdaman ko ang marahan niyang paghaplos sa aking buhok.

"Tatandaan mo lang, Lilay", marahang bulong niya sa akin. "Anuman ang mangyari, mahal na mahal kita..."

Lalong lumakas ang tambol ng aking dibdib. Parang malamig na hanging humaplos sa aking balat ang mga katagang iyon.

Iyun ang huling pag-uusap namin ng asawa ko. Naging lubhang abala sila ng mga sumunod na araw sa paghahanda sa gagawin nilang pagkilos. Minsa'y nakikiusyoso ako pero lagi na'y tinatalo ako ng nerbiyos, kung anu-ano ang naiisip ko pero pilit na iwinawaksi ko ang pangamba. Mahal ako ni Aryong at may tiwala ako sa kanya, alam kong di niya ako pababayaan.

Mismong araw ng pagkilos, alumpihit ako sa durungawan. Kaninang tanghali pa dapat natapos ang kanilang programa. Bakit palubog na ang araw ay wala pa ring bumabalik sa mga sumama sa protesta laban sa kumpanya ng pagmimina? May kaugnayan kaya ang narinig kong mga putok ng baril kanina? Diyos ko, wag naman sanang may nasaktan...

"Manang! Manang!" humahangos papalapit si Rica, pawis na pawis at namumutlang di ko mawari. Siya ang anak na dalaga ng aming punong barangay na si Tata Genio.

"Bakit, anong nangyari?"

"Si Manong Aryong po, tinamaan!"

Hindi ko na inabot ang mga sundalong nagsakay sa duguang katawan ni Aryong sa kanilang trak. Bagamat halos liparin ko ang alikabuking daan patungo sa plasa, sinalubong na ako ng aking mga kababaryo. May benda sa ulo ang iba, ang iba'y akay-akay ng dalawa o tatlong kabataan. Agad akong nilapitan ni Tata Genio.

"Lilay, ang asawa mo..."

"Ano pong nangyari?" parang sasabog ang ulo ko sa samu't-saring imaheng nakikita ko sa aking isipan...si Aryong, duguan...kinakaladkad ng mga sundalo...

"Kasalukuyan siyang nagsasalita noon sa may plasa. Biglang may pumutok galing sa itaas ng barangay hall. Nagkagulo na ang mga tao. Sunod-sunod ang putok kaya nagtakbuhan na kami. Nakita kong binibitbit si Aryong ng mga sundalo pasakaya sa kanilang trak, duguan..."

"Sandali po, bakit may mga sundalo?"

"Aba'y nang dumating kami roon ay punong-puno na ng sundalo ang plasa, mas marami pa nga sa amin! Pero di kami nagpasindak, lalo na si Aryong. Siya pa ang nangunguna sa hanay."

Pakiramdam ko ay namamanhid ang mukha ko. "Tata, buhay pa po ba si Aryong?"

Umiling ang matanda. "Hindi ko alam, Lilay. Pero nang makita ko siyang hila-hila ng mga sundalo, duguan ang tiyan niya."

Mabilis na tumakbo ang isip ko. Tiyan lang ang tama, may tsansa pang mabuhay iyon kung walang tatamaang bituka. Nursing ang tinapos kong kurso sa Maynila kaya't may kaunti akong nalalaman sa panggagamot ng sugat.

"Wag kang mag-alala Lilay. Ngayong gabi rin ay pupunta kami sa kampo, magpipiket kami doon para palayain nila ang asawa mo at nang maisugod natin sa ospital", pang-aalo ni Tata Genio.

"Sasama po ako..."

"Huwag na, masyadong mapanganib. Hindi gugustuhin ni Aryong na pati ikaw ay masaktan. Hintayin mo na lang ang pagbalik namin. Huwag kang masyadong mag-alala, baka makasama sa bata."

Hindi na ako kumibo, pakiramdam ko ay lumulutang ako sa dagat ng kawalan. Hinaplos ko ang aking tiyan. Abot-abot ang dalangin kong sana'y makita pa ni Aryong ang aming panganay.

Matapos ang ilang araw ng pagpipiket, ipinakita kina Tata Genio ang lamog at luray na bangkay ni Aryong. Bali-bali ang mga buto, nakaluwa ang bituka at nawawala ang isang mata. Nagtangka daw agawin ang baril ng isang sundalong bantay kaya tinuluyan na nila. Pero nagdudumilat ang mga bakas ng pahirap sa kanyang bangkay. Wala na si Aryong at naramdaman ko ang pagkaupos ng natitira kong lakas nang ibalita sa akin ni Tata Genio ang nangyari. Tumanggi silang ibigay ang bangkay sa taumbaryo dahil kaanak lang daw ang pwedeng mag-claim sa labi ni Aryong. Ulilang lubos na si Aryong, ako na lang ang natitira niyang pamilya sa baryo namin dahil ang mga kapatid niya ay pawang sa Maynila na naninirahan. Wala akong numero ng mga kapatid niya sa Maynila at kahit meron man, hindi na sila aabot sa labi ng kanilang kapatid. Kelangan nang ilibing si Aryong dahil nangangamoy na ang kanyang katawan sa dami ng pasa at sugat na tinamo niya.

Hindi na rin ako nagtangka pang magpakita sa kampo para magpakilalang balo ni Aryong. Para ano pa? Para kutyain nila sa harap ko ang aking asawa? Sa halip, pinili kong sumama sa paglikas ng aking mga kababaryo. Masyado nang mainit ang tingin sa amin ng militar, impluwensyado daw kami ng mga subersibo.

Dalawang araw kaming nagpaikot-ikot sa gubat upang matiyak na hindi kami masusundan ng mga militar na nanunog ng aming mga bahay. Dalawang araw ng takot, pangamba, galit, pagod at gutom. Pero wala na akong maramdaman ng mga panahong iyon, para bang ang katawan ko ay kasama nang namatay ni Aryong. Pero pinilit kong sumabay sa agos ng mga tao, kelangan kong magpakatatag para sa buhay na nasa sinapupunan ko.

Sa wakas, dumating na rin kami sa kabilang baryo. Agad kaming sinalubong ng mga taumbaryo. Pagod na pagod at gutom na gutom na kami. Agad akong nilapitan ni Tata Genio.

"Dito muna tayo pansamantala, Lilay. Ihahabilin kita sa kapatid kong nakatira rito. Kelangang planuhin ang pagbalik sa baryo para makita kung ano pang pwede nating maisalba."

Napamaang ako. "Babalik pa kayo doon, Tata?"

"Aba, siyempre! Iyun na lang ang meron tayo, kukunin pa nila? Aba, sumusobra na sila."

"Pero, Tata..."

"Mas maigi nang mamatay nang lumalaban kesa pabayaan ang mga taong iyon na sirain ang kinabukasan ng ating mga anak at apo. Mahirap lang tayo, Lilay. Wala tayong maipamamana sa mga anak natin kundi ang karapatang mabuhay nang maayos sa isang lupang matagal na nating ipinaglalaban. Hindi masasayang ang buhay ni Aryong..." hindi na napigilan ni Tata Genio ang pagtulo ng kanyang luha. Nayakap ko ang matanda at humagulgol sa kanyang butuhang balikat.

Tatlong taon na ang nakalilipas mula nang iwan ko ang aming probinsya para muling pumisan sa aking pamilya sa Maynila. Doon ko na rin ipinanganak ang anak naming si Junior. Sinikap kong ibaon sa limot ang mapait na nangyari sa asawa ko, kaya't nilibang ko ang sarili sa pagtatrabaho sa ospital. Pero hindi ako patahimikin ng mga panaginip ko. Madalas akong makatanggap ng sulat mula sa aming mga kababaryo. Nakabalik na daw sila sa baryo at itinuloy ang paglaban sa kumpanya ng pagmimina. Mahirap pa rin ang buhay, mas pinahirap pa ng patuloy na panggugulo ng militar. Madalas daw ang labanan sa lugar namin, may mga kababaryo na rin daw kasi akong namundok para labanan ang mga pang-aapi at abusong militar sa aming mga kababaryo. Kaya naman laking gulat ng mga magulang ko nang magpasya akong bumalik sa baryo Exodus.

"Paano si Junior?" tanong ng aking ina. "Maaatim mo bang iwan ang anak mo na walang ina?"

"Andiyan naman po kayo." matipid akong ngumiti. "Kelangan ako ng mga kababaryo natin, alam niyo namang napakalayo ng ospital doon."

"Ikaw na bata ka, nagpapakabayani ka masyado," may himig pangun gutya ni Tatang. "Hindi ka pa nadala sa nangyari sa asawa mo."

"Tatang..." tiningnan ko sa mata si Tatang. Iba ang nakikita kong emosyon doon. Nararamdaman ko ang lihim na pagmamalaki sa kanyang dibdib bagamat matingkad pa rin ang takot sa nangingilid niyang mga luha. Niyakap ko ang aking ama. "Salamat po."

"Mag-iingat ka, anak. Kung kelangan mo ng tulong, ipatawag mo lang kami para suportahan ka." paalala ni Nanang nang yumakap ako sa kanya.

"Basta alagaan niyo lang po si Junior, Nanang. Turuan niyong kumain ng gulay at maging masipag."

"Anak...ikamusta mo ako sa mga kababaryo natin."

"Opo, Tatang, Nanang, alis na po ako." binitbit ko ang bag na kinalalagyan ng iilan kong gamit. Ito rin ang bag na gamit ko nang lumikas kami ng baryo Exodus. Ito rin ang gagamitin ko sa aking mahabang paglalakbay pauwi sa baryong kinapootan ko at minahal.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento