Hindi ako nahihiyang makilala akong promdi. Hindi miminsan kong hinangad na sana'y nandoon akong muli sa lugar na itinuring kong tahanan sa loob ng mahabang panahon. Pero may mga bagay talagang hindi ayon sa ating kagustuhan kundi nababatay sa pangangailangan.
Hindi ako sa Maynila nakatira kaya mejo magastos din talaga sa pamasahe lalo na pag me kailangang akong lakarin. Hindi iilang beses na naligaw ako sa sanga-sangang lansangan na nananalaytay sa mausok at mainit na Maynila pero lagi't-lagi naman akong nakakahanap ng mababait na nilalang na handang magturo sa akin ng tamang daan.
D2 sa Maynila, lahat ng tao nagmamadali, parang laging may hinahabol kaya sinu-sino ba ang safe na pagtanungan na hindi ka makakatanggap ng ismid o ng nanlilibak na ngiti? Siyempre iyung mga bihasa na sa kalye, mga tsuper, barker, metro aide, security guard...in short iyung mga taong lumaki at nabuhay na sa mga lansangan. Sanay na sanay na siguro silang mapagtanungan kaya hindi na malaking bagay sa kanila ang ganoon.
Marami sa kanila ay galing probinsya, naghahanap ng mas maalwang buhay kaya napunta sa aspaltadong kagubatan pero natuklasan na lang nila na mas mababangis pala ang mga hayop dito sa lungsod. Anut-anuman, nakikipagsapalaran pa rin sila, dahil wala nang ibang choice, ni walang pamasahe pabalik sa mga probinsyang pinanggalingan at kung meron man, wala nang babalikan dahil ang lupang kinagisnan, pinatag na upang gawing palasyo ng iilan.
Hindi ko mapigilang maapektuhan pag nakakakita ng mga natutulog sa lansangan, dingding ang mausok na hangin at bubungan ang napakakapal na smog. Kasi, wala naman akong magawa para maiangat ang kalagayan nila. Ni ako nga, hindi ko magawa ang gustong-gusto ko dahil naitulak ako ng pangangailangan na manirahan dito.
Sa probinsya namin, simple lang ang buhay. Basta magtrabaho ka, kakain ka. Iyun nga lang, unti-unti na ring binabago ang mahal kong probinsya, andun ang mga gumagawa ng subdibisyon sa mga palayan, mga kumpanya ng mining na bumubutas sa mga bundok at lumalason sa mga ilog, mga sundalong parang mga kabuteng bigla na lang sumusulpot at bigla na lang nawawala. Akala ko noon, napakahirap na ng kalagayan sa bayan namin. Pero nung makarating ako d2 sa Maynila, napagtanto kong maling-mali ang pananaw ko. Di hamak na mas masalimuot ang buhay d2.
Kaya pag natapos na ang kontrata ko rito, babalik din agad ako sa amin. Hindi para takasan ang kahirapang araw-araw kong nakakasalamuha d2 sa Maynila, kundi upang harapin ang kahirapang tinangka kong takasan sa pag-aakalang kaya ko itong iwan sa mahirap naming bayan. Hindi pala, dahil ang kahirapan ay makikita kahit saan.
Sa bayan namin, hindi tanggap ng mga tao na ipinanganak silang mahirap kaya mamamatay na lang silang mahirap. Mas maigi na raw ang mamatay nang lumalaban kaysa mamatay sa gutom. Simpleng katwirang hindi ko maunawaan noong una, bakit ka magpapakamatay sa paglaban kung gusto mong ipaglaban ang kabuhayan mo? Napakakitid ng pananaw ko sa mundo noon kaya nang mapunta ako d2 sa Maynila, sobrang sumabog ang mga imahe ko ng kaunlaran na binuo ko sa isip ko nung mangarap akong makapunta ng Maynila.
D2 ko natuklasang walang libreng bagay sa mundo, lahat ng ito ay pinaglalaanan ng kakayahan, kaalaman, at minsan pa nga'y buhay. Kung ano ang paniniwala mo, panindigan mo kung hindi ay aanurin ka kasama ng lahat ng nabubulok sa lipunang ito. Mahirap lumangoy pasalunga sa agos pero mahirap din namang magpatianod lalo't mas kawalang-katiyakan ang hinaharap mo sa ganoon. Kaya pinipili kong lumangoy pasalungat dahil alam kong kahit kakaunti ang gumagawa ng ganito, tiyak kong hindi ako mag-iisa.
Gustong-gusto ko nang umuwi...
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)

Ganyan din po ang pakiramdam ko. Ako'u napadpad naman sa gitnang silangan na salt na salat sa karanasan. Sabi ko nga ang natunton ko lang na lugar ay sa amin probinsiya, Manila at Dubai. Masasabi kong napakalakas ng loob kong nagpunta dito bitbit lamang ang salat na karanasan ng isang probinsiyana...
TumugonBurahinNgayon sobra akong naho-homesick... Gustong gusto ko na ring umuwi.. kahit 2 weeks lang...
Salamat Lyds sa pagbabahagi ng napaka gandang kwento... Oo nga pala Ilocana ako... ;)