Ang peklat ay lagi nang paalala ng isang karanasang nagmarka sa ating pagkatao. Maliit man o malaki, bawat peklat sa ating katawan ay alam natin kung ano ang dahilan. Pero sa natuklasan ko, ang pinakamapanganib na mga peklat ay ang mga hindi nakikita dahil sa pagkatao pala nagmamarka.
Kakaunti lang ang peklat ko, hindi kasi ako malikot na bata. Mas gusto kong manatili sa bahay at magbasa nang magbasa. Bihira ring mapaaway, ayoko ng gulo at takot kasi ako sa mga magulang ko.
Hindi dahil salbahe sila, mababait sila pero may mga pagkakataong nasasaktan nila ako dahil sa sobrang talas daw ng aking dila at likot ng aking imahinasyon. Ang akala ko ay naunawaan ko kung bakit, pero bawat hagupit ng tsinelas, pinong kurot at sampal pala ay nag-iiwan ng malalim na sugat sa aking kamalayan. Pero alam kong mahal nila ako dahil nararamdaman ko ang pagpapahalaga nila sa akin.
Sa paglaki ko, sinunod kong maigi lahat ng sinabi ng mga magulang ko, mabigat man sa loob ko. Dahil magulang ko sila, hindi dapat kontrahin dahil gusto lang naman nila ang makabubuti para sa akin. Pero habang lumalaki ako, pakiramdam ko ay bumubulusok ako sa isang kawalan na hindi ko makita ang babagsakan ko. Wala na akong kontrol sa buhay ko. At isang napakalaking kakulangan noon para sa akin.
Lumaki akong insecure, kasi alam kong hindi ako maganda, matalino lang - sabi ng nanay ko. Ilang beses akong pinagtawanan at kinutya sa klase dahil sa pagiging lampa, mahina, mabagal at mataba. Hindi ako kumibo o lumaban kahit sugatan na ang aking pagkatao. Hindi ako nagalit sa mga kaklase ko, ni hindi ako gumanti pero nangako akong darating ang araw, makikita niyo rin ang kahalagahan ko.
Nang magkolehiyo na ako, unti-unti akong nakatikim ng kalayaan. Malayo sa mapanuring mata ng aking mga magulang, tinuklas ko ang mundo sa labas, ang malupit na mundo ng reyalidad.
Dumami ang peklat ko, putok sa ulo, galos sa tuhod...pero lahat ng ito ay nailihim ko sa aking mga magulang. Mga peklat na hindi ko tinitingnan nang may panghihinayang sa dati'y makinis na balat kundi itinuturing kong mga basbas ng karanasan. Mga medalya ng kagitingan, dahil pinili kong makipagsapalaran sa marahas na tunggalian ng mga reyalidad at mga pangarap.
Dahil sa masalimuot na estado pulitikal sa ating bansa, dalawang beses akong namatayan ng kapartner, isang asawa at isang kasintahan. Bawat pagkawala ay nag-iwan ng kambal na pilat; sa aking balat at sa aking puso. Itinuring ko ang sarili kong isinumpang maging malungkot at nag-iisa na lamang habang-buhay. Nakakatawa pero nagmarka nang husto sa pagkatao ko iyon at may panahong mas pinili kong maging malungkot kaysa magpahamak na muli ng isang nilalang na magkamaling magmahal sa isang isinumpang nilalang na tulad ko.
Inalagaan ko ang mga sugat na dulot ng mapait na karanasan, iniwasang makanti, sa pag-aakalang ito ang magpapabilis sa paghilom. Pero gaya sa tunay na sugat, kailangang pagtiisan ang hapdi ng paglalanggas para gumaling nang maayos ang sugat. Ayaw ko na ng sakit kaya inilihim ko ang sugat sa aking dibdib. Ayos lang ako, pasasaan ba't lilipas din ang hapdi.
Pero ang sugat sa aking pagkatao ay na-impeksyon at nagnaknak, pinalala ng mga hinanakit na pilit na ikinukubli sa matatag na tinig at tuyong mga mata. Noon ko nalaman na totoong mahina ako at di ko ito kaya nang mag-isa. Natuto akong magsalita, mangatwiran, magkomento at maglabas ng saloobin para ibsan ang pagngatngat ng sugat na patuloy na kumakain sa aking pagkatao. Pero hindi pa iyon sapat, nanatili sa akin ang hinanakit at galit sa aking mga kakulangan.
Pero hindi ako iniwan ng mga kaibigan ko at ng pamilya ko. Sa panahon ng pangangailangan ko, naramdaman ko ang pagdamay at pagmamahal ng mga taong inakala kong walang pakialam sa akin. Tulong-tulong naming nilanggas ang nagnanaknak kong kalooban.
Sa ngayon, patuloy ang aking paghilom. At hindi ako nag-iisa, kasama ko ang mga taong umuunawa at nagmamahal sa akin sa kabila ng aking sugatang pagkatao at imperpektong kaanyuan. At sa paggamot ko sa aking mga sugat, nakakatagpo ako ng mga kapwa ko sugatan. At sama-sama kaming tumatahak sa landas ng napakasakit at napakatagal na proseso ng paghilom at pagkatuto.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento