Linggo, Mayo 3, 2009

Winner takes it all

Minsan nadadale din ako ng paghanga sa mga artista natin kaya kung may pagkakataon napapasilip din ako sa mga web site nila para makiusyoso sa mga latest na nagaganap sa mga buhay buhay nila at sa mga fans nila.

Pumunta ako sa site ng isang young actress na medyo struggling ang career. Siyempre, inaasahan kong dahil mga fans niya ang mga iyun, super supportive sa kanya anu pa man ang mangyari.

May nabasa akong comment ng isang fan na dahil nadi-disappoint siya sa mga latest na nangyayari sa YA na ito, nagbabanta siya na pag hindi sumigla ulit ang takbo ng carrer ni YA ay hindi na siya magiging fan nito. Bagamat nababawan ako sa sinabi niya, sinikap kong magpaliwanag at makipag-rason na kung talagang fan tayo dapat mas lalo nating suportahan pag struggling ang career kasi sa panahong ito mas higit nilang kelangan ang suporta natin. Kasagot-sagot ba naman:

"so, anong gus2 mo gawin namen, masyado ka nakikialam, haha!"

binalikan ko ang post ko, maingat naman ang ginamit kong mga salita at sa tingin ko mahinahon naman ang tono so hindi ko maunawaan kung bakit ganoon ang sagot. Hindi na lang ako sumagot, hindi pinapatulan ang mga ganoong tao na mababaw mag-isip.

siempre, nai-ugnay ko na naman siya sa mentalidad nating mga Pilipino, basta panalo ka kahit anumang paraan ng pagkapanalo mo, didikit sila sa iyo para maambunan ng grasya at ang mga natalo ay unti-unting kakainin ng kawalan at pagkalaos kahit pa ibinigay din naman nila ang best nila.

minsan siguro dapat kinikilala din natin iyung effort ng mga loser kasi hindi naman ibig sabihin na kung natalo ka e wala ka nang kwenta. Hirap kasi sa marami sa atin, bagsak na nga inaapakan pa. Talo na nga, kinukutya pa sa halip na palakasin ang loob at pataasin ang morale para bumangon ang mga bigo. Dahil hindi naman natatapos ang buhay sa pagkabigo.

Maraming beses na rin akong nabigo pero siguro mapalad lang ako kasi may mga tao sa paligid ko na laging handang dumamay at tumulong para makabangon ako uli.

panalo na naman si Pacquiao, ibig sabihin ilang araw na naman siyang laman ng balita at mga usap-usapan sa kung saan. Masaya ang lahat maliban siguro sa mga pumusta kay Hatton, hehe. Toast of the town na naman siya, magkakandarapa na naman ang mga pulitiko sa pagdikit kay Manny para siguro maambunan man lang sila ng kasikatan nito, kasi panalo siya and everybody loves a winner.

Pero ang naaalala ko ay si Gerry Penalosa na ilang linggo lang bago ito ay nabigong makuha ang titulo mula kay JaMa(di ko na matandaan ang name nung nakalaban niya)na di hamak na mas bata at mas malakas sa kanya. Binigay naman ni Gerry ang buong makakaya niya pero kinapos talaga at nag-sorry siya sa mga kababayan natin dahil hindi niya raw nabigyan ng karangalan ang bansa natin katulad ng gusto niya. Matapos noon, hindi na siya ulit nabanggit sa mga balita, nakakalungkot kasi malamang tapos na ang career niya o mahihirapan na siyang makabawi.

Naturalesa naman talaga na gusto nating ma-identify sa mga winners pero sana bigyan din naman natin ng sapat na suporta ang mga losers kasi mas sila ang nangangailangan ng suporta at pampataas morale. Ang nangyayari kasi, puro ang mga panalo lang ang natatandaan ng kasaysayan pero ang mga nagpakahirap ding lumaban pero matalo ay kadalasang nababaon na lang sa limot o kaya'y nalalaos.

sabi nga "the end justifies the means" pero di ako sang-ayon dito. Para sa akin, hindi bale nang natalo basta alam mong ginawa mo ang tama at ibinigay mo ang buong kakayahan mo kesa sa nanalo ka nga pero nandaya ka naman o nang-apak ka ng iba para makarating sa taas.

Siyempre, hindi ko naman inaalisan ng kinang ang pagkapanalo ni Pacquiao pero naisip ko lang hindi naman kasi pwedeng laging panalo. Ang mga laging natatalo bagamat walang tropeo ay umaani ng aral at natututo.

Huwag sana tayong magpakabulag sa kinang ng karangalan at tagumpay. Alalahanin natin ang mga kasabayan nating naiiwan sa gilid ng daan habang tayo ay sumasakay sa bandwagon ng tagumpay. Hindi talaga uusad ang bansang ito kung hindi tayo nagkakaisa at patuloy tayong maghihilahan pababa para lang makaangat.

salamat, nailabas ko na ang hangin sa ulo ko.

1 komento:

  1. madz, relax ka lang. ganyan talaga. lam mo naman iba-iba ang opinyon ng mga pipol. punta ka rin sa blog ko ha.

    TumugonBurahin