Linggo, Mayo 10, 2009

Luha ng isang Ina

"Mame ko,

Hapi Mader's dey! Mainit na yakap sa iyo mula sa malamig na pusod ng kagubatan, hehe. Kaharap ko ngayon ang isang tasa ng umuusok na kapeng barako at ilang piraso ng tuyo at itlog. Sosyal! Mother's day daw kasi kaya espesyal ang almusal namin. Tribute sa mga matatapang at mabubuting mga nanay d2 na natitiis na mapalayo sa kanilang mga anak at magulang upang lumahok sa pakikibakang magpapalaya sa sambayanan.

Kumusta na kayo? Sana'y maayos kayong lahat diyan. Ang Dadi, madalas pa din bang pahirapan ng rayuma? Ang mata ni Mama, magaling na ba? Ikaw, nawala na ba iyung paminsan-minsang pagkahilo mo? Bawas-bawasan ninyo kasi ang pagkain ng karneng mataas sa kolesterol, nagkakaedad na kayo, mahihirapan na ang mga katawan ninyo na tunawin ang taba kasi hindi na rin kayo masyadong nagkikikilos. Di bale, pag-uwi ko, hihilutin ko kayo nina Dadi at Mama, marunong na akong maghilot..."

Itinupi ni Lusing ang sulat na nasa papel na pinilas mula sa isang mumurahing notbuk sabay pahid sa luhang nagpalabo sa kanyang paningin. Tagos hanggang buto ang pangungulila sa anak na may ilang taon na rin nilang hindi nakakapiling simula nang magpasya itong sumama sa kasintahan na rebelde.

Dalawang taon na mula nang huli itong dumalaw sa kanila. Medyo umitim ito at pumayat pero maaliwalas ang mukha at may nakahahawang ngiti. Kasama nito ang asawang dahilan ng pagkaakit nitong mabuhay na isang palaboy sa kabundukan. Ni hindi niya nasaksihan ang kasal ng mga ito dahil hindi na niya kayang lumakad ng malayo patungo sa kampo ng mga rebelde para saksihan ang seremonya. Sa halip, nagpadala na lang siya ng ilang pirasong malinis na damit para sa anak at sa magiging asawa nito. Ipinakisuyo lang niya ito sa mga armadong paminsan-minsan ay napapadaan sa kanilang maliit na bahay na malapit sa kaingin.

Binuklat niyang muli ang itinuping sulat.

"Ayos naman kami dito ni Gener, madalas ay magkalayo kami ng erya pero tinitiyak naman ng mga kasama na may panahon kami para mag-bonding. Pero wag kayong mag-alala, hehe. Nagpi-pills pa rin naman ako kaya matatagalan pa siguro bago masundan si Neneng. Matanda na rin kayo, alam kong mahihirapan na kayong mag-alaga ng mga apo. "

Napasulyap si Lusing sa apo na payapang natutulog sa tabi ng lolo nitong si Paeng, yakap-yakap ang manyikang regalo rito ng ina noong huling kaarawan nito. Dalawang taon na si Neneng at lumalaki itong kahawig ng kanyang ina. Totoong matanda na silang mag-asawa para mag-alaga ng bata pero sa kanila pa rin naman nakapisan ang bunsong kapatid ni Jenny kaya hindi naman malaking pasanin sa kanila ang pag-aalaga sa bata lalo na kung ganitong bakasyon sa eskwela. Ang iba pang mga kapatid ni Jenny ay pawang sa Maynila na nagsisipagtrabaho at pana-panahong nagpapadala ang mga ito ng panggastos kung kaya't hindi rin naman sila masyadong nabibigatan sa mga gastusin sa araw-araw.

Spoiled ang apo nila sa asawa niyang si Paeng. Katwiran nito'y kung wala ang anak na si Jenny ay ibubuhos na lang niya ang pagmamahal at pangungulila dito sa apo. Daddy's girl kasi si Jenny kaya nang umalis ito ay si Paeng ang nagdamdam at nahirapan nang husto.

Iniyakan din naman ni Lusing ang pag-alis ng panganay na anak. Paano'y isang taon na lang at gagradweyt na sana ito sa kursong Education. Mahilig sa mga bata si Jenny at mahaba ang pasensya nito kahit sa mga makukulit at sutil na mga pinsan nito. Mahinahon at maawain sa mga pulubi, iyakin at may pagkalampa pa nga. Kaya hindi niya malubos-maisip kung paano itong nakakatagal sa masalimuot na buhay ng isang rebeldeng walang pirming tirahan at sumasabak sa mga labanan. Binalikan niya ang pagbabasa sa lumang sulat ng anak.

"Nadagdagan na naman ang sugat ko, Me. Nahulog kasi ako dun sa ginawang tulay ng mga kasama patawid sa isang malaking ilog na lagi naming dinadaanan papunta ng baryo. Buti na lang nahawakan ako ni Gener sa bag pero sumabit ang binti ko sa isang nakausling alambre, hehe. Kahit dito talaga lumalabas pa rin ang kalampahan ko paminsan-minsan. Pero ayos na ang sugat ko, magaling na. Epektib talagang panglanggas ang pinagpakuluan ng dahong bayabas, haha."

"Lusing, parine ka nga't naiyak na naman itong bata!"

Pinutol ng hiyaw ni Paeng ang pagbabasa ni Lusing. Ibinulsa nito ang sulat sa suot na kupasing daster at mabilis na pinuntahan ang silid na kinalalagyan ng mag-lolo. Sa pintuan pa lang ay dinig na niya ang pag-iyak ng apo.

"Ano na naman bang nangyari?" tanong ni Lusing sa asawa sabay kilik sa apo. Ang sarap lang ng tulog ninyo kanina e.

"Nakow, ewan ko!" napakamot ng ulo si Paeng. "Bigla na lang nag-iiyak, siguro nakagat ng lamok o naalala ng ina." bahagyang nabasag ang boses ng matanda pagkabanggit sa ina ng apo.

Tila may bumara rin sa lalamunan ni Lusing. Matagal nang walang sulat ang anak kung kaya pinagtitiyagaan niyang ulit-ulitin ang mga luma nitong sulat. Ang sulat na binabasa niya kani-kanina lang ay halos isang taon na mula nang matanggap nila. Sa Linggo ay Mother's Day na naman at wala pang bagong sulat mula kay Jenny. Ihinele-hele niya ang nag-iiiyak na apo.

"Matagal na ring walang sulat ang anak mo, Paeng."

"Kuu! Talaga namang katigas ng ulo ng anak mong iyun!" tumayo si Paeng at pumunta sa batalan para maghilamos. "Sinabi ko nang dito na lang at alagaan ang anak e..." hindi na nito natapos ang sasabihin. Lagaslas na lang ng tubig ang naulinigan ni Lusing.

"Delikado raw kasi kung dito sila kikilos ng asawa niya. Maraming CAFGU d2 sa baryo, mahirap na." sa wakas ay tumahimik na ang batang kani-kanina lang ay nagngangangawa. Sinalat ni Lusing ang noo nito para tingnan kung may dinaramdam ang apo. "Wala namang lagnat." naibulong nito sa sarili. Lumangitngit ang sahig na kawayan sa bigat ng hakbang ni Paeng nang bumaba ito ng hagdan para iula ang kalabaw.

"Sisilipin ko lang si Gatang at baka nasalabid na naman sa tali niya, mahirap mamatayan ng katuwang sa bukid."

"Kumain ka na muna, nakaluto na ako kanina pa."

"Saglit lang ako."

"Mamaya ka na pumuntang bukid. Maggugulay pa ako't siguradong darating mamaya ang mga anak mong galaing Maynila."

"Ala'y bakit ga? Ano gang okasyon?" panunudyo ni Paeng na ikinasimangot ni Lusing. Inirapan nito ang asawang nasa ibaba ng hagdan at nakatingala sa kanilang maglola.

"Aba, hindi mo ba nami-miss ang mga anak natin?"panunumbat ni Lusin para itago ang hinampo sa asawa. Tumalikod ito at akmang papasok sa kuwarto nang biglang akbayan ng asawang hindi nito namalayang pumanhik na muli ng hagdan.

"Hapi Maders Dey, Mami." sabay halik sa pisngi nito. "Ku, katanda mo na'y matampuhin ka pa rin a." sabay yakap nito sa asawang kilik-kilik pa rin ang natutulog na apo.

"Ikaw itong katanda-tanda na'y alaskador pa rin." buwelta ni Lusing sa asawa sabay iwas ng katawan dito.

"Uyyy, ang sweet naman!" sabad ni Josie, ang bunsong anak nila na bumungad mula sa maliit na kwarto nito nang marinig ang ingay ng mga magulang.

"He! Isa ka pa!" pananaway ni Lusing. "Manang-mana ka diyan sa ama mo."

"Aba'y bakit ga napakasungit mo ngayong babae ka? Ikaw ga'y naglilihi na naman?"

Siniko ni Lusing si Paeng sabay pasa sa apo kay Josie. Walang kangiti-ngiti ang mukha nito.

Kinuha ni Josie ang pamangkin mula sa ina. "Oo nga, Me. Bakit ba ang aga-aga'y mainit ang ulo ninyo?" tanong nito sa ina.

"Ewan ko ba, Josie. Ginising ako kanina ng malakas na kaba. Parang me mangyayaring hindi maganda."

"Naku, parating pa naman sana ang mga Ate at Kuya mamaya. Huwag naman sana." usal ni Josie habang hinehele ang pamangkin na bahagyang kumibot nang maramdaman ang pagbabago sa may karga rito.

Katahimikan. Maya-maya'y binasag ng ungol ng traysikel ang katahimikang iyon. Tumanaw sa bintana si Lusing at nakita niya ang isang lumang traysikel na nababalutan ng umaalimbukay na alikabok. Makapanindig-balahibo ang ungol ng hirap na hirap na makina.

"Baka ang mga ate na iyan!" excited na sabi ni Josie.

Parang napako si Paeng sa kinatatayuan niya nang mapagsino ang mga bumaba sa traysikel. Lumikha ng malalim na marka sa maalikabok na kalsada ang makikintab na combat boots ng mga di inaasahang panauhin.

"Siempre nagpapasalamat ako sa patuloy na pag-unawa at pagsuporta ninyo sa akin ni Dadi kahit alam kong nag-aalala kayo sa kaligtasan ko. Ang totoo'y mabigat din sa akin na mapalayo sa inyo lalo na kay Neneng. Pero ito naman po'y ginagawa ko rin para sa anak ko at sa iba pang mga anak na napapalayo sa kanilang mga ina dahil sa tulak ng pangangailangan. Ito po'y laban nating lahat, Mame. Gusto namin ni Gener na ang datnang lipunan ng anak namin ay isang lipunang magiging mabait sa mga bata at makatarungan sa mga matatanda.

Ito na lang muna, Me at may pupuntahan pa ako. Isiningit ko lang ang pagsulat habang hinihintay ang sundo namin. Ipaabot ninyo na lang sa kasamang mag-aabot nito sa inyo ang aking pasasalamat.

Iyakap ninyo na lang ako ke Dadi, Josie, Jojo, Jerome,Janette at siyempre kay Jenny Junior, hehe. Ihalik niyo na lang ako sa anak ko, Me. Pakisabi sa kanya na mahal na mahal namin siya ni Gener kahit na kami'y malayo sa kanya ngayon. Pasasaan ba't magkakasama-sama na rin tayo pag humupa na ang digmaang ito.

Ngapala, nagpapakamusta rin sa inyo si Gener.

Ito na lang muna, ingat kayo lagi at miss na miss ko na kayo. Happy Mother's Day ulit, Mame!

Nagmamahal mong anak,

Ka Jenny"

Mugtong-mugto na ang mga mata ni Lusing nang itiklop ang papel na tigmak ng luha. Maingat niya itong isinilid sa bulsa ng itim na pantalong isinuot niya katambal ng abuhing blusang bigay pa sa kanya ni Jenny nuong huling pagkikita nilang mag-ina. Pinahid niya ang luhang natuyo na sa kanyang pisngi gamit ang kwelyo ng kupas niyang blusa. Maya-maya'y naramdaman niya ang bigat ng kamay ni Paeng sa kanyang balikat.

"Tahan na, mamaya lang ay darating na ang mga anak mo. Mother's Day pa naman ngayon e namamaga iyang mata mo." pilit na ngumiti si Paeng para maski papaano'y pagaangin ang loob ng asawa.

"Anong oras daw sila darating, Paeng?"

"Ilang oras din ang byahe mula sa munisipyo. Andami din daw checkpoint sa daan sabi ng anak ng kumareng Meloy mo na galing ding Maynila."

"Si Josie?"

"Andun sa kwarto, kasama ni Neneng." Nabasag na rin ang boses ni Paeng. Nagyakap ang mag-asawa, mahigpit, parang humahanap ng pagsuyo mula sa dibdib ng isa't-isa.

Binasag ng malakas na ungol ng isang sasakyan ang sandaling iyon para kina Lusing at Paeng. Halos magkasabay silang napatanaw sa dumarating na owner-type jeep na nakukulapulan ng alikabok. Kasunod nito ang isang trak na camouflage na halatang hirap na hirap ang makina dahil sa bigat ng mga sakay nito.

Parang alingawngaw na bumalik sa isip ni Lusing ang mga sinabi ng sarhentong dumalaw sa kanila noong isang araw.

engkwentro sa kabilang bayan...

isang oras mahigit na labanan...

papadilim na nang humupa ang putukan...

may isang amasona at isang rebeldeng natagpuang magkatabi sa likod ng isang malaking bato...

kayo ho ba ang magulang ni Jennifer Cortez?...

Binasag ng boses ni Paeng ang kanyang pagmumuni-muni.

"Andiyan na ang mga anak mo, kasama ang ate nila."

Isinubsob ni Lusing ang mukha sa dibdib ni Paeng upang lunurin ang sigaw ng hinagpis na tumakas sa kanyang lalamunan at tinangay ng hangin patungo sa kanugnog na bayan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento