Linggo, Mayo 24, 2009

Dahil kami'y babae lang

Mahirap maging babae.

Bentang-benta ngayon ang Katrina-Hayden scandal at maraming nagre-react. May mga nagpapakatotoo, may nagkukunwaring malinis, may nagbabanal-banalan at may nagwawalang-bahala.

Don't get me wrong, sa tingin ko rin naman ay marami pang ibang isyung kailangang pagtuunan ng pansin ang sambayanan maliban sa isyung ito. Pero dahil isa akong babae, sangkot ang damdamin ko sa mga naririnig ko sa paligid na mga komentaryo ng mga kababayan natin.

"They deserve each other."

It takes two to tango at hindi mapapasubaliang may kahinaan din ang mga babaing nahuli ng kamera sa maseselang tagpo at iyun ay ang agad na pagtitiwala. Hindi naman masamang makipag-sex ka sa taong nagugustuhan mo pero siguro panahon na para balikan natin ang pagtingin sa ating mga sarili. Ako ba ay isang parausan lamang? Bakit pumapayag ako na gamitin ako ng isang taong hindi ko naman alam kung may kaseryosohan nga sa akin? Dahil na rin sa baon ng bulok na kultura sa kaisipan natin.

Tayong mga babae ay laging kailangang maganda, sexy at kaakit-akit para pumasa sa standards ng mapanghusgang lipunan. Pero sa kabila noon, kapag may nambastos at nagsamantala sa atin, napakadaling lumipad ng mga salitang malandi, kiri, harot, puta, pakawala at kaladkarin, mismong sa bibig ng mga kababayan at kahit ng mga kabaro natin. Manipestasyon ng machong pagtinging umiiral sa ating lipunan "a woman can be no good and a man can't be too bad". Sa bawat krimen laban sa pagkatao ng isang babae ay laging may kakambal na justification. Ikaw na nga ang napagsamantalahan, ikaw pa ang sinisisi, asan na ang hustisya dun?

Sa usapin din ng sex, nagiging masyado na tayong liberal sa ganitong usapin. Palasak na ang casual sex o pakikipagtalik ng walang nararamdaman o bilang pampalipas lang ng init ng katawan. At pag may aksidente at may nabuo, iilan na lang ang nagdadalawang-isip na magpa-abort. At ang mga lalaki, napakadaling talikuran ang kanilang mga responsibilidad dahil wala namang matibay na emosyong nagbibigkis sa kanilang dalawa maliban sa init ng katawan. At sino ang nagdadala ng problema, babae siyempre!

Mahabang usapin kung bakit ganito ang kinahinatnan ng katayuan ng babae sa ating lipunan. Para sa mga interesado, hanapin ninyo ang "Origin of the Family" ni Frederick Engels, tinatalakay dito ang kasaysayan ng pagbabago ng katayuan ng babae sa lipunan.

Naaawa ako kay Katrina at naiinis ako kay Hayden bilang babae. Pero bilang tagapagmasid ng ating lipunan, may mas malalim na ugat kung bakit ang ganitong mga usapin ay may malalim na latay sa ating kamalayan. Alam nating may mali pero hindi tayo mangahas magsalita dahil alam nating hindi tayo pakikinggan. Dahil tayo'y babae lang... hinugot sa tadyang ni Adan, mahina, iyakin, marupok, nakatali sa pagiging ina, asawa, tagapag-silbi at laruan sa kama.

Dahil tayo'y babae, mahahanap lamang natin ang katarungan kapag tunay nang umiiral ang katarungan sa bansang ito. Matagal-tagal pa ang ating babaybaying landas, wag pagapi sa mga balakid, mismong tayo ang hahakbang tungo sa ating kalayaan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento