Sige, umirap ka
Ipagmalaki mo ang iyong malasutlang balat
na produkto ng glutathione na nilalaklak mo araw-araw
upang pagtakpan ang balat
na pamana ng lahing nilalapastangan
sa basehan ng kulay ng kanyang balat
Ipangalandakan mo
ang makinis na kutis
na inalagaan ng sandamakmak na lotion, cream at iba pang kemikal
upang ikubli ang mga bakas ng kahirapan
na nakaukit sa iyong katawan.
Humahalimuyak ang iyong buhok
habang malayang inililipad ng hangin
subalit nakasusulasok ang mga hibla nito
na humahampas sa aking mukha
dahil sa mabilis na pagtakbo ng sasakyan
Sagutin mo ng irap
bawat pakiusap na ayusin ang iyong upo
para maayos na maipwesto
ng kapwa mo manlalakbay
ang pagal nilang sarili
sa makipot na pagitan ng mga balakang
Huwag mong itago ang iyong pagkadismaya
sa tuwing may makakatabi kang pawisang manlalakbay
o kung mapapadaan ang sasakyan
sa humahalimuyak na alingasaw
ng mga patay na Ilog sa ating bayan.
Taas noo mo kaming suriin
isa-isa, mula ulo hanggang paa
para dustahin ang aming itsura
ang aming kulay
ang aming amoy
ang aming pagkatao
Maya-maya lamang ay bababa ka na ng jeep na bulok
itatapak ang mamahalin mong sapatos
sa masisikip, mababahong iskinita
ihahawak mo ang malalambot mong mga palad
sa kinakalawang na tarangkahan
ilalatag ang mabangong katawan
sa nanlilimahid na sapin ng kutsong gutay-gutay
saka tahimik na iluluha
ang hapdi ng pag-iisa
sa isang mundong
binalot mo ng pagkukunwari at pantasya...
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento