Father's day ngayon at malayo ako sa aking pamilya.
Naaalala ko ang kanta ni Jose Mari Chan at Cherie Gil tuwing father's day. Iyung "Sing me your song again, Daddy" na kasabayan ng mga hits ni JMC na "Constant Change", "Beautiful Girl" at "Please be careful with my heart." Ito iyung kanta ng isang anak na babaeng nagpapaalam sa kanyang ama dahil ikakasal na siya. Lumang-luma na nga ang kantang ito pero di ko pa rin maiwasang maantig pag naaalala ko ang mga pamilyar na lyrics nito:
"So, sing me your song again, Daddy
sing me a lullaby
wrap me around your arms, Daddy
though, this is not goodbye
your songs will live forever
in my heart when times get rough
the ones I most remember
are your songs of love..."
Daddy's Girl? Sabi nila at iyun din ang paniwala ko bagamat malaki din ang respeto ko sa aking ina na katuwang ng aking ama na nagtaguyod sa aming pamilya.
Pero si Mommy ang may mas prominenteng personalidad, palibhasa'y guro kaya't sanay na sanay makihalubilo sa mga tao. Si Daddy, siya iyung shy type, shy marunong magluto, maglaba at magplantsa pero hindi naman househusband dahil regular naman siyang may trabaho. Pero mas inclined siya sa trabahong bahay, palibhasa'y laking probinsya, sanay sa buhay sa bukid.
Ngayon ko lang nare-realize na andami palang insecurities ni Daddy sa buhay na dinadaan niya sa mga paalala noong maliit pa kami. "Sikaping makapagtapos ng pag-aaral para hindi kayo maging magsasakang tulad ko." Hindi nakatapos ng kolehiyo si Daddy dahil kinailangan niyang tumulong sa bukid at magbigay-daan sa pag-aaral ng mga nakababata niyang kapatid, pero gusto sana niyang makatapos. Lalo na nung nililigawan niya pa lang ang Mommy ko na isang maestra at puro mga titulado ang naging karibal niya. Pero dahil pursigido siya pa rin ang pinili ni Mommy sa kabila ng pagtutol ng mga magulang ni Mommy dahil sa isa lang daw itong manggagawang nagmula sa pamilya ng isang magsasaka. Kung tutuusin, hindi rin naman mayaman sina Mommy pero dahil titulada siya, mataas ang pangarap ng kanyang mga magulang para sa kanyang bubuuing pamilya.
Nang maikasal sila, wala pang isang taon ay ipinanganak na ako, honeymoon baby ika nga, at bago pa man ako nagkaisip ay lumipad na si Daddy patungong Iraq, wala pang gulf war noon. Kaya ang pinakamaagang alaala ko ng aking ama ay ang garalgal na boses sa aming cassette player na laging nangangako ng pasalubong sa kanyang pagbabalik.
Dalawang beses ko lang natatandaang umuwi si Daddy galing abroad sa loob ng apat na taon niya doon. Bawat pagkikita ay markado ng pag-aalinlangan ko sa isang balbasaradong mamang nagsasabing siya daw ang boses sa aming lumang cassette player, siya daw iyung taong sinasabihan ko ng "Aylabyu, Dadi!"
Sa pagkakatanda ko, hindi na ulit bumalik si Daddy sa Iraq matapos ang pangalawang pag-uwi niya. Sabi niya, hindi daw niya maatim na lumalaki akong hindi niya namamalayan. Noong panahong iyon, masaya naman ako kahit walang trabaho si Daddy at tambay lang muna sa bahay, kasi may personal tagapag-alaga ako na hindi tumatakas para makipagtsismisan sa kapit-bahay at hindi ako sinasabihang pigilin ko ang aking pagdumi hanggang sa dumating si Mommy galing school.
Halos sunod-sunod ang pagbubuntis ni Mommy kaya kinailangang magtrabahong muli ni Daddy sa isang pabrika. Bagamat hindi nakatapos ng kolehiyo, may natural na kakayahan si Daddy sa pagkukumpuni ng mga makina kaya nakahanap siya ng trabahong angkop sa kanyang kakayahan at sa pangangailangan ng aming lumalaking pamilya.
Isang araw, hindi pumasok si Daddy. May sakit daw sa bato sabi ni Mommy. Hindi ko pa maunawaan kung gaano kasakit na magkaroon ng mga bato/kristal sa kidney kaya naghahalo ang awa at pagtataka kapag nakikita kong namimilipit si Daddy sa sofa at naluluha sa sakit. Sabi nila, hindi raw umiiyak ang lalaki, pero sa nakita ko sa Daddy ko, naisip kong sasapakin ko ang sinumang magsasabing hindi siya lalaki kasi alam kong ginagawa niya ang lahat para maitaguyod nila ni Mommy ang pamilya lalo pa't nag-aaral na kaming lahat noon.
Hindi nagpa-ospital si Daddy, umiinom lang siya ng pinaglagaan ng bunga ng Banaba na nagkataong merong puno sa likod-bahay namin. Iyun daw ang nakalusaw sa mga bato sa kidney niya. Simula noon, ayaw na ni Daddy na kumain ng masyadong maalat, nadala na daw siya. Balik ulit siya sa trabaho.
Isang beses naman, nabalitaan naming naaksidente si Daddy sa trabaho, nabuhusan daw ng mainit na kemikal ang kanyang kanang braso. Tambay na naman sa bahay si Daddy habang nagpapagaling. Ang hindi ko makakalimutan noon, pinadalhan pa siya ng termination notice ng kumpanyang pinagtatrabahuhan niya dahil hindi daw nakapagreport sa takdang araw na itinakda nila. Galit na galit si Mommy noon pero kalmado lang si Daddy. "Akong bahala." sabi ni Daddy bago umalis ulit. Naramdaman ko lang na me trabaho na ulit si Daddy, hindi ko na itinanong kung paano naayos ang problema niya, naririnig ko lang na may unyon yata sila sa kumpanya kaya nailaban iyung kaso niya. Mula noon, tumatak sa isip ko ang mga unyon.
Siyempre, hindi kami habambuhay na bata. Dumating ang panahon na matibay-tibay na ang aming mga bagwis para iwan ang pugad na pinag-arugaan sa amin nina Mommy at Daddy. Si Daddy naman, tumatanda na kaya naging personal alalay na lang ni Mommy na principal na ngayon. Na-early retirement siya dahil nagkaroon siya ng slipped disc bunsod ng pagbubuhat ng mabibigat na piyesa ng mga makina. Naging FX Driver siya ng ilang panahon bago naging personal driver (naks!) ni Mommy dahil hindi na niya kaya ang buong araw na pagmamaneho. Malakas pa rin naman si Daddy pero dahil siguro tumatanda na rin sila ni Mommy, gusto na nilang sulitin ang mga panahong magkasama sila lalo pa't bihira din nilang kaming mahagilap dahil may sari-sarili na kaming mundo.
Dahil kay Daddy, malapit ang loob ko sa mga manggagawa at magsasaka. Siya ang buhay na ugnay namin sa karalitaan kahit pa sabihing relatibong madali ang naging buhay naming magkakapatid na pulos mga naging peti-burges, gaya ni Mommy.
Ramdam ko na minsan, nai-insecure si Daddy sa aming magkakapatid lalo pa't hirap siyang makasabay sa mga bagong teknolohiya ng panahon ngayon. Nung magka-celphone nga siya, ako pa ang inatasan ni Mommy na maging katext mate niya para masanay siyang magtext kahit sa probinsya ako nagtatrabaho noon.
Ngayong tahimik na naman sa bahay, hinahanap-hanap ni Daddy ang mumunting mga boses na pumupuno sa bawat sulok ng aming munting bahay. Aaminin ko, may mga panahong nakakaligtaan naming ipakita at iparamdam ke Daddy kung gaano namin siya kamahal at kung gaano kami nagpapasalamat na isang mabuting tao ang aming ama.
Kaya sa Father's Day na ito, may dahilan na ako para magpaka-korni, chummy at baduy dahil sasabihin ko na ang mga salitang alam kong matagal nang gustong marinig ni Daddy at sana ay mabasa niya ang munting handog kong ito sa kanya.
"Mahal na mahal ka namin, Daddy. Anu't anuman, ipinagmamalaki ka namin. Maligayang araw ng mga Ama!"
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)

hello! para sigurado! puntahan mo ako sa facebook. Eleanor Ganda
TumugonBurahin