Lunes, Hunyo 1, 2009

Paghihintay sa Ulan

Araw-araw

Binubulag ako ng mabining ngiti ng araw

upang haltakin ako palayo

sa yakap ng panaginip



Hinahagupit ng ngitngit

ng katanghaliang-tapat

upang lusawin ang mga pangarap

na nangungunyapit sa dulo ngkamalayang naiinip



Sinasakal ng nakasusulasok na usok

na bumabalot sa Kamaynilaan

ibinubuga ng mala-pugong mga tambutso

na nakikipaghabulan sa orasan



Gabi na, subalit andiyan pa rin ang alinsangan ng pag-iisa

Sinasakal ako ng kawalan

Hinahagupit ng kahungkagan

Niyayakap ng agam-agam

hanggang...bumuhos ang ulan



Sa una'y mahina, papalakas, papasinsin

Tila maging langit ay nakikiramay sa akin

Ipinaghele ako ng nahugasang hangin

Sa isang mundong ika'y aking kapiling



Ngunit sa pagputok ng bukang-liwayway

Malulusaw ang pangitaing sa tabi ko'y nakahimlay



Tinanaw ko ang napaliguang kalunsuran

Basa ng ulan angbawat bubungan

Basa ang damit na naiwan ko sa sampayan

Basa ng tubig ang mga puno't halaman

Basa ng luha ang aking unan



Ngunit sa kaibuturan

Ako'y nananatiling...

Tigang.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento